Ex-Isabela Gov. Padaca guilty sa malversation at graft
MANILA, Philippines — Pagkakulong ng 12-14 taon sa kasong malversation at karagdagang 6-10 taon sa kasong graft ang inihatol ng Sandiganbayan 3rd Division nang mapatunayang guilty sa nasabing kaso si dating Isabela Governor Grace Padaca.
Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y pagpapasok ni Padaca sa P 25-M agricultural funds para sa rice program ng Isabela sa isang pribadong kumpanya noong 2016.
Sa kabila nito, pinayagan si Padaca na doblehin ang bail bond na P 70,000 o kabuuang P140,000 para sa kaniyang provisional liberty habang iniaapela ang kaso.
Hanggang sa huling sandali, nanindigan si Padaca na wala siyang ninakaw na kahit magkano sa pondo ng gobyerno, dahil ang naturang programa ay napunta lahat sa mga magsasaka sa kanilang lalawigan.
Ang kontrata para sa nasabing halaga ng rice program ay ibinigay ng Isabela government noong panahon ni Padaca bilang gobernador sa Economic Development for Western Isabela at Northern Luzon Foundation, Inc. (EDWINLFI).
Dismayado rin si Padaca na sinabing hindi niya inaasahan ang hatol na guilty dahilan sa binigyan siya ng kapangyarihan ng Sangguniang Panlalawigan na pumasok sa Memorandum of Agreement sa pagpapalabas ng pondo para sa mga magsasaka.
Magugunita na si Padaca ay itinalaga ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bilang Commission on Election (Comelec) Chairman noong 2012 kung saan nagdesisyon itong i-award ang P25-M sa EDWINLFI para sa credit facility ng mga magsasaka sa Isabela pero kinasuhan si Padaca dahilan sa kabiguan nitong sumailalim sa public bidding ang nasabing deal.
Inihayag ni Padaca at ng abogado nitong si Atty. Rogelio Vinluan na magsasampa sila ng motion for reconsideration upang mabaligtad ang hatol.
- Latest