MANILA, Philippines — Naglagak ng piyansa sa kasong libel at cyber libel na isinampa ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang kolumnistang si Ramon Tulfo.
Sa Nov. 8 order na pirmado ni Manila Regional Trial Court Branch 12 Judge Renato Enciso, naglagak ng piyansang P60,000 si Tulfo upang maiwasang makulong habang dinidinig ang kaso.
Sa nasabi ring order, inutos din ni Judge Enciso ang pagbawi sa warrant of arrest na inilabas laban kay Tulfo at sa pagtalaga ng arraignment sa Nov. 26, sa alas-8:30 ng umaga.
Magugunita na nagsampa ng kaso si Medialdea laban kay Tulfo sa serye ng kolumn na inilabas sa The Manila Times na umano’y nakasira sa kanyang malinis na pangalan noong July 20, na may pinamagatang “There goes Cayetano as House Speaker, also Medialdea,” at July 25 isyu na kung saan ay inakusahan ang executive secretary na nasa likod umano ng isang Vianney D. Garol na humingi ng P72 milyon mula sa isang Felicito Mejorada bago maibigay ang reward money.
Itinanggi ni executive secretary na kakilala niya si Garol, na ayon sa rekord, ay isang project development officer II sa ilalim ng Office of External Affairs-Davao on Aug. 1, 2005 at hindi ito empleyado simula pa noong Dec. 31, 2005.