MANILA, Philippines — Sinibak sa serbisyo ng Philippine National Police ang isang police officer na sangkot sa kontrobersyal na Pampanga 2013 drug raid na kung saan ay milyong halaga ng shabu ang umano ay na-recycle.
Una nang sinuspinde si Police Lt. Joven de Guzman ng 2 buwan dahil sa command responsibility kasunod ng maanomalyang drug operation sa Antipolo City noong Mayo, na sangkot din ang 3 Pampanga pulis na kasama sa nagre-recycle ng shabu na sina Police Master Sgt. Donald Duque at Rommel Vital; at Police Corporal Romeo Encarnacion Guerrero Jr. na unang sinibak sa serbisyo.
Si De Guzman at ang tatlong nabanggit na pulis ay kasama sa 13 dating miyembro ng Pampanga police na inakusahan na nangupit ng mahigit 160 kilos ng shabu mula sa isang drug operation laban sa suspected Chinese drug lord noong 2013.
Una nang sinibak ang tatlong pulis na sumalakay sa bahay ng isang Arnold Gramaje sa Antipolo na walang kaukulang search warrant at ipinalabas na drug bust.