MANILA, Philippines — Anim katao ang kumpirmadong nasawi habang 300 ang nasugatan matapos na yanigin ng 6.6 magnitude na lindol ang ilang lugar sa Mindanao, kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) 12, ang unang nasawi ay kinilalang sina Jessyryl Reil Farva, Grade 9 student ng Kasuga National High School na nabagsakan ng hollow block habang lumilikas sa kasagsagan ng lindol sa Magsaysay, Davao del Sur.
Ang ikalawang nasawi ay kinilalang si Nestor Narciso, 66, na nabagsakan din ng debris sa ulo, mukha at kaliwang braso sa Koronadal, South Cotabato.
Sa ulat ng North Cotabato Police, isang tatay at anak nitong tinatayang nasa pagitan ng 5-6 anyos ang nasawi matapos na mabagsakan ng malaking tipak na bato sa ulo sa Brgy. Lanao Kuran, Arakan, North Cotabato at isa pa ang nasawi sa Digos City, Davao del Sur at ang pang-anim ay isang babae buntis na 23-anyos na taga-Tulunan.
Kasalukuyang pinalilikas ng mga guro ang mga estudyante pero habang bumababa ang mga ito sa hagdan ay nagbagsakan ang gumuhong semento na aksidenteng tumama sa ulo ni Farva.
Ang lindol ay tumama sa Tulunan, North Cotabato dakong alas-9:04 ng umaga na nakaapekto rin sa mga iba’t ibang lugar sa Mindanao.
Naitala naman sa 30 katao ang nasugatan sa lindol sa Kidapawan City at 13 sa M’lang, North Cotabato.
Nabatid na Intensity VII sa Tulunan at Makilala, Cotabato; Kidapawan City at Malungon, Sarangani; Intensity VI sa Davao City; Koronadal City; Cagayan de Oro City; Intensity V sa Tampakan, Surallah and Tupi, South Cotabato; Alabe, Sarangani; Intensity IV sa General Santos City; Kalilangan, Bukidnon; Intensity III - Sergio Osmeña Sr., Zamboanga del Norte; Zamboanga City; Dipolog City; Molave, Zamboanga del Norte; Talakag, Bukidnon at Intensity I sa Camiguin, Mambajao.
Magugunita na unang tumama ang lindol sa halos kaparehong lugar na tinamaan ng magnitude 6.3, lindol noong Oktubre 16 na ikinamatay ng 7 katao.
Nilinaw naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang banta ng tsunami dahil nasa lupa ang sentro ng lindol.
Nag-abiso rin ang Phivolcs ukol sa posibleng pinsala sa pagyanig at kahandaan sa aftershocks.