Militar nasilat ang bomb plot ng Sayyaf
MANILA, Philippines — Anim na improvised explosive device (IED) na itinanim ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa kahabaan ng Basilan Circumferential Road, Brgy. Calang Canas, Maluso, Basilan ang narekober ng tropa ng militar.
Sinabi ni Major Arvin John Encinas, Spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, bago ito ay nakatanggap ng report dakong ala-1:50 ng madaling araw ang Alpha Company ng Army’s 68th Infantry Battalion hinggil sa presensya ng mga armadong bandido sa ilalim ng lider nilang si Furuji Indama na planong maghasik ng kaguluhan sa lugar.
Nagkaroon ng mainitang palitan ng putok sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at ng mga bandido na tumagal ng mahigit 30 minuto na pinaniniwalaang nalagasan ang puwersa ng mga bandido.
Habang nagsasagawa ng clearing operation ay narekober ng K9 personnels ng tropa ng mga sundalo ang anim na IED na itinanim ng mga bandido.
Patuloy ang hot pursuit operation ng tropa ng militar sa grupo ng mga ektremistang bandido na sangkot sa serye ng paghahasik ng terorismo.
- Latest