MANILA, Philippines — Nasugatan ang anim katao kabilang ang tatlong bata matapos na bumagsak ang sinasakyan nilang spinning-swinging rides sa carnival ng isang mall sa Landco Business Park, Brgy. Capantawan sa Legazpi City, Albay, kamakalawa ng gabi.
Patuloy na nagpapagaling sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ang mga biktimang sina Jester Kurt Badong, 6; Jasmine Maud, 8; Mateth Lopez, 59, pawang residente ng Brgy. Rawis; Angyeta Balong, 40; Monica Hererra, 22 at Jeric Conde, 12-mga kapwa residente ng Brgy. Taysan.
Sa ulat, dakong alas-9:10 ng gabi ay lulan ng nasabing rides ang mga biktima nang bigla itong nasira at bumagsak ito sa lupa. Agad na nakapagresponde ang emergency rescue unit ng lungsod at isinugod ang mga biktima sa ospital.
Ipinasara naman ng lokal na pamahalaan ang naturang amusement park habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon.