MANILA, Philippines — Isang traffic enforcer ang pinagbabaril ng riding in tandem habang nagmamando ng trapiko sa EDSA, Pasay City, kahapon ng umaga.
Ang biktima na namatay noon din ay nakilalang si Joey De Chavez, miyembro ng Pasay City Traffic Bureau.
Sa ulat, dakong alas-9:30 ng umaga sa EDSA sa tapat ng Double Dragon Plaza sa naturang lungsod ay nagmamando ng trapiko ang biktima nang sumulpot ang riding in tandem criminals at pinagbabaril ang biktima.
Nang bumagsak ang biktima ay tumakas ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo patungo sa northbound ng EDSA.
Sa inisyal na imbestigasyon ay may pinarang nakamotorsiklo ang biktima dahil sa paglabag sa batas trapiko, subalit hindi umano ito huminto kaya’t hinabol.
Nang maabutan ng biktima ay doon na ito pinagbabaril.