MANILA, Philippines — Bilang hakbang para matigil ang iregularidad ay tinanggal ang nasa 300 jail personnel ng Bureau of Corrections (BuCor) sa New Bilibid Prison (NBP) at pinalitan sila ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Sinabi ni BuCor spokesperson Wena Fe Dagan, 552 tauhan buhat sa NCRPO ang papalit sa mga tauhan ng BuCor na ipinatupad kahapon ang relief order laban sa kanila.
Bukod dito ay isasailalim din sila sa imbestigasyon sa posibleng kaugnayan nila sa operasyon ng iligal na droga at iba pang anomalya sa Bilibid.
Bahagi ang pagtanggal sa 300 tauhan ng BuCor sa pinaiiral nilang “internal cleansing” kasunod ng pumutok na kontrobersiya ukol sa samu’t saring “special treatment” sa mga may perang bilanggo at patuloy na pag-ooperate ng mga drug lords kahit na nakakulong.
Nabatid na mga nakatalaga sa “maximum security compound” ang mga jailguards na tinanggal habang isusunod din ang paglilinis sa medium at minimum security compounds.