Sayyaf sub-leader naaresto sa Quezon City

Iprinisinta ni NCRPO chief P/Maj.Gen. Guillermo Eleazar ang umano’y Abu Sayyaf Group sub leader na si Ibrahim Lambog Mullo na naaresto sa isang follow-up operation sa Quezon City.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang pi­naghihinalaang sub-lea­der ng mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa isinagawang operas­yon sa Quezon City nitong nakalipas na linggo.

Iprinisinta kahapon sa media ang suspek na si Ibrahim Lambog Mullo, 26, na nakumpiskahan ng isang cal. 45 pistol at isang sling bag na nag­lalaman ng fragmentation grenade.

Si Mullo ay nagtago sa pangalang Abimar Agi Ahaja upang ikubli ang tunay nitong pagkatao.

Sa ulat, alas-7:00 ng gabi nang masakote ang suspek sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City nitong nakalipas na Setyembre 27 pero kahapon lamang isinapubliko dahilan isi­nailalim muna ito sa masusing interrogation.

Si Mullo ay kabilang sa tatlong miyembro ng mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) na isinasai­lalim sa surveillance ope­ration sa Metro Manila kung saan ang dalawang iba pa ay nasakote na noong Hulyo ng taon.

Sa imbestigasyon noong Enero 2019 ay dumating sa Metro Manila ang suspek kasama  ang tinukoy na si Arnel Flores Cabintoy alyas Musab at Feliciano Manas Sulayao Jr. alyas Abu Muslim at alyas Rowel Adam.

Sina Cabintoy at Sulayao ay nasakote noong Hunyo 15 ng taong ito sa Brgy. Culiat base sa implementation order ng pag-aresto sa mga sangkot sa rebelyon sa Marawi City na inisyu ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, martial law administrator.

Show comments