Mahigit 200 tiwaling pulis, kinasuhan
MANILA, Philippines — Mahigit 200 tiwaling pulis ang nasampahan na ng kaso ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) kaugnay ng puspusang internal cleansing sa hanay ng 190,000 malakas na puwersa ng kapulisan sa bansa.
Sa ipinalabas na data ni PNP-IMEG Director Police Colonel Romeo Caramat Jr., mula Pebrero 2017 hanggang Setyembre 11, 2019 nasa 250 personnels ang sangkot sa iba’t-ibang illegal na gawain ang nasampahan na ng kasong administratibo at kriminal.
Nasa 124 naman sa mga nasampahan ng kaso ay naaresto na kinabibilangan ng 10 Police Commissioned Officers (PCOs) , 113 Police Non-Commissioned Officers (PNCOs) at isang Non-Uniformed Personnel (NUP) habang ang nalalabing 126 pulis ay nai-refer na ang mga kaso sa Department of Justice (DOJ).
Samantalang sa mga nakasuhang pulis, 65 lang ang nasibak sa serbisyo habang ang iba naman ay nagpapatuloy ang paglilitis sa kaso.
Nabatid pa na 67% naman ng mga naarestong pulis ay nasangkot sa robbery extortion, 11 % ay nasangkot sa kidnapping, 2 hanggang 3 % naman ang sangkot sa ilegal na droga at 1 % naman ang sangkot sa slight physical injury. Base pa sa rekord pinakamarami sa mga naaresto at nakasuhang pulis ay may ranggong Patrolman o rookie sa serbisyo, Corporal at Staff Sergeant.
- Latest