‘Word war’ nina Albayalde at Magalong, umiinit

Ayon kay Magalong wala man siyang ebidensya sa kasalukuyan laban kay Albayalde ay marami itong dapat ipaliwanag sa isyu.
Geremy Pintolo

MANILA, Philippines — Umiinit na  ang “word war” sa pagitan nina Phi­lippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Oscar Albayalde at dating PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa isyu ng ninja cops.

Sinabi ni Albayalde na duda siya sa tunay na motibo ni Magalong matapos palutangin na humingi siya ng pabor para hindi maipatupad ang ‘dismissal order’ laban sa mga ninja cops.

Inihayag ni Alba­yal­de na itinuturing niya itong ‘war of perception”, giyera ng personalidad kung saan inaatake siya at maaring may hindi umano natupad ni Magalong kaya inaatake siya  na iginiit na kung naiinggit man ito at kung ano pa man ay hindi niya ito maintindihan.

Sa panig naman ni Magalong, sinabi nitong moral na obligasyon ang nagtulak sa kaniya upang magsalita sa kaniyang mga nalaman sa umano’y panghihimasok ni Alba­yalde upang hindi maimplementa ang “dismissal order” laban sa mga ninja cops na ang team ni Police Lt. Colonel Rodney Raymundo Louie  Baloyo.

Ayon kay Magalong wala man siyang ebidensya sa kasalukuyan laban kay Albayalde ay marami itong dapat ipaliwanag sa isyu.

Sinabi ni Magalong na hindi naman siya nag-boluntaryo para tumestigo sa Senado manapa’y nabig­yan lamang ng pagkakataon para isiwalat ang kaniyang nalalaman.

Si Albayalde ay nakatakda nang magretiro sa darating na Nobyembre 8, pagsapit ng kaniyang ika-56 taong kaarawan na siyang mandatory age retirement sa PNP.

Ayon naman sa ilang sources lumutang ang isyu laban kay Albayalde kaugnay ng jockeying sa puwesto ng PNP Chief na nakatakda nitong ba­kantehin kung saan sina Aquino at Magalong umano ay may pinapaborang contenders sa posisyon.

Show comments