MANILA, Philippines — Dalawang obrero ang kumpirmadong nasawi matapos gumuho ang isang bahagi ng hotel na ginigiba sa Malate, Maynila, kahapon ng umaga.
Makalipas ang halos anim na oras simula nang gumuho ang isang bahagi ng hotel sa Malate ay nakuha na ang bangkay ng obrerong si Melo Ison.
Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno, pasado alas-3:00 ng hapon nang matagpuan ang katawan ni Ison sa ilalim ng bumagsak na beam na walang pulso at agad na dinala sa Ospital ng Maynila na kung saan ay idineklara itong dead on arrival.
Samantala, patuloy ang isinasagawang retrieval operations sa isa pang obrero na kinilalang si Jeromie Fabello, na naipit sa gumuhong hotel na pinaniniwalaang patay na rin.
Ayon kay Manila Police District Director P/Brig. General Vicente Danao Jr., alas-9:15 ng umaga nang mag-collapse ang gusali habang nasa loob ang 22 construction workers.
Mabilis ding nagbigay ng direktiba si Moreno na pansamantalang isara na rin ang hotel na nasa Adriatico side ng Malate na operational upang makatiyak na hindi maapektuhan nang pagguho.