MANILA, Philippines — Dinakip ng mga elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang dating alkalde na sangkot sa kasong anti-graft and corrupt practices act sa isinagawang operasyon, kamakalawa ng gabi. Kinilala ang nasakoteng suspek na si Alex Jajalla, 62, dating Mayor ng Mahinog, Camiguin, isang negosyante at residente ng Brgy. Hubangon, Mahinog, Camiguin.
Sa ulat, bandang alas-6:00 ng gabi nang masakote si Jajalla kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 sa kasong Anti-Graft and Corrupt Practices Act base sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Theresa Dolores Gomez-Estoesta ng 7th Division, Sandiganbayan, Quezon City. Hindi na nakapalag si Jajalla matapos itong dakpin at posasan ng arresting team ng PNP-CIDG.