Duterte kokomprontahin si Grace
MANILA, Philippines — Upang personal na ibulalas ang kanyang emosyon ay kokomprontahin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sen. Grace Poe, hinggil sa pagkontra sa kanya ng mambabatas.
Magugunitang muling hinarang ni Sen. Poe na chair ng senate committee on public services ang pagkakaloob ng emergency powers kay Pangulong Duterte sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo.
Iminungkahi ni DoTR Sec. Arthur Tugade sa Senado na bigyan ng emergency powers si Pangulong Duterte upang mahanapan ng solusyon ang grabeng trapik sa EDSA, subalit muli itong kinontra ni Poe.
Ikinatuwiran ng mambabatas ay hindi na kailangan ang emergency powers upang walang maging sagabal sa procurement process dahil sapat na ang umiiral na batas hinggil dito at pangamba pa ni Poe na pagmulan ito ng corruption.
“Now they are --- they are at it again and I am telling them. I’m not interested. Why? Because if you give the money tapos I start on projects with the emergency powers, no bidding, walang lahat ‘yan, you can buy anything you want at hindi natapos. At hindi man talaga matapos ‘yan with the remaining year. Lalabas lang ako pagka-Presidente, hindi tapos, sabihin ng mga tao, “P***** i**** ‘to, naghingi ng emergency powers, billions ang nagasto tapos tingnan mo, iniwan kasi kinurakot ‘yung pera,” paliwanag ni Pangulong Duterte kamakalawa ng gabi.
Sinabi ng Pangulong Duterte, harapang ibubuga at ipamumukha niya mismo sa harap ni Poe ang gusto niyang sabihin laban dito.
Aniya, kabilang dito ang tingin ni Poe sa kanyang sarili na siya na lamang ang tanging indibidwal sa buong mundo na may natitirang integridad at katapatan.
Muli ay binigyang-diin ni Duterte na wala na siyang interes sa posibilidad na mabigyan pa siya ng emergency powers para hindi na rin aniya siya mapaghinalaan pa na kukurakutin lang ang pera ng bayan gaya ng nais palabasin ng mambabatas.
- Latest