MANILA, Philippines — Kalat na umano sa merkado sa Pangasinan at Laguna ang mga pekeng tangke ng Liquified Petrolium Gas (LPG) na kung hindi maaagapan ay lubhang mapanganib sa publiko at maaaring pagsimulan ng sunog.
Kaya naman sumulat sa Department of Energy at Malacañang ang pamunuan ng WQSY Marketing para umaksiyon ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan partikular na sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sa sulat na ipinarating kina Usec. Atty. Ruth Castelo ng Consumer Protection Group at Director Ronel Abrenica ng Fair Trade and Enforcement Bureau, pinangalanan ang pekeng LPG cylinders na tumitimbang na 2.7 Kg at 11 Kg na walang tatak na PS Mark, ICC at ilang mandatory markings.
Tinutukoy sa sulatang LPG na “Speed Gaz” na sinasabing nagmula sa China at sa Pilipinas lang binubuo at pagpipintura na hindi umano sumailalim sa masusing pagsusuri ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan partikular ang Phil. National Standard.
Kahit na naabisuhan ang mga mamimili na may nakaambang peligrosa kanilang buhay ay patuloy pa ring tinatangkilik dahil sa mababa ang presyo.