MANILA, Philippines — Nauwi sa barilan ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa isang dating pulis nang sila ay mapatay ng kanyang kasama matapos umanong manlaban naganap kahapon ng madaling araw sa Kawit, Cavite.
Ang napatay ay kinilalang si dating PO2 Arlan Ranera Aguilar, dating nakadestino sa Camp Crame, Quezon City, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kasama nito.
Sa ulat, bago nangyari ang barilan, alas 2:00 ng madaling araw sa Abaya Road, Brgy.Toclong, Kawit ay nagtungo ang puwersa ng PNP Anti-Kidnapping Group, Regional Intel 4A, Cavite Provincial Intel Branch at Kawit Police para isilbi sana ang ang warrant of arrest kay Aguilar sa kasong robbery with homicide na inisyu ni Judge Matias M. Garcia II ng RTC Br. 19 Bacoor City, Cavite.
Naabutan ng mga pulis ang suspek na sakay ng motor at may isang angkas.
Nang lalapitan para isilbi ang warrant of arrest ay agad nitong pinaharurot ang motor patakas.
Kaya’t hinabol ito ng mga pulis hanggang sa makorner sa Abaya Road at dito ay nakipagbarilan hanggang sa mapatay.
Nabatid na nasibak sa serbisyo si Aguilar nang ito ay masangkot sa serye ng kidnapping, pagpatay at panghoholdap saMetro Manila at karatig na lalawigan.
Ilan sa mga naging biktima ng grupo ni Aguilar na “Gapos Gang” ay BIR officials at sangkot sa pagpatay kay Atty. Eduardo Torres Malinis, Commissioner ng National Insurance Commission na dinukot muna bago pinatay sa isang lugar sa Bacoor City, Cavite noong 2014.