MANILA, Philippines — Sa kulungan ang bagsak ng isang delivery boy nang magbiro at sabihin may lamang bomba ang kanyang ididiliber na package habang iniinspeksyon ng mga guwardiya ng isang casino hotel sa Parañaque City nitong Biyernes ng hapon.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law ang suspek na si Reynaldo Balisi Jr., 30, may-asawa, at nakatira sa No. 315 Unit B San Nicolas A2, Bacoor, Cavite.
Sa ulat ng Parañaque City Police, naganap ang insidente sa may Theater Driveway ng Solaire Resort and Casino sa may Aseana Avenue, Brgy. Tambo dakong alas-3:50 ng hapon.
Iniinspeksyon ng mga security personnel ng Bloomberg Resorts and Hotel Inc. ang dalang delivery box ng suspek sakay ng kanyang motorsiklo nang magbiro siya sa guwardiya na, “may bomba dyan”.
Dito ay agad na inaresto ng mga guwardiya si Balisi na kalauna’y umaming hindi niya alam na labag sa batas ang ginawa niyang pagbibiro.