Dulot ng bagyong Marilyn... 4K inilikas sa pagbaha sa Zambo City
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 4,000 residente ang inilikas sanhi ng mga pagbaha sa 18 barangay sa Zamboanga City kasunod ng malalakas na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Marilyn, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sinabi ni Police Regional Office (PRO) 9 Spokesperson Police Major Helen Galvez nasa 65 kabahayan ang naapektuhan ng mga pagbaha at nasira kabilang ang isang mosque .
Ang mga pagbaha ay nakaapekto sa aabot sa 598 pamilya o nasa mahigit 4,000 residente sa lugar na inilikas sa mga evacuation center.
Sa pahayag ng mga residente sa lugar nagulantang na lamang sila sa pagragasa ng pagbaha sa kanilang mga barangay.
Nabatid na simula pa nitong Biyernes ng umaga ay rumagasa na ang pagbaha sa mga apektadong lugar sanhi ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa lungsod dulot ng habagat at bagyong Marilyn.
Nagsagawa naman ng relief and rescue operations sa mga apektadong lugar ang mga elemento ng Zamboanga City Police, Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at mga opisyal lokal na pamahalaan sa mga apektadong lugar.
- Latest