10 persons of interest sa Espino ambush
MANILA, Philippines — Sinisilip na ng mga otoridad ang 10 persons of interest na nasa likod ng pananambang kay dating Pangasinan governor at dating kongresista na si Amado “Ama” Espino Jr.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 2 Director Police Brig. Gen. Joel Orduña, sampung persons of interest ang sangkot sa ambush kay Espino batay sa pahayag ng mga testigo at video footage na nakuha sa CCTV sa lugar.
Sa nasabing ambush ay nasawi noon din ang security escort ni Espino na si Police Staff Sergeant Richard Esguerra at kamakalawa ng alas-6:00 ng gabi ay binawian ng buhay ang driver na si Agapito Cuizon.
Sa kasalukuyan ay ‘stable’ na ang kondisyon ni Espino habang patuloy pa ring nilalapatan ng lunas ang iba pa nitong sugatang security escort na sina Kervin Marfori, sibilyan at Staff Sergeant Jayson Malsi.
Natukoy na ang may-ari ng dalawang behikulo na ginamit ng mga gunmen na isang kulay asul na Ford Everest na inabandona sa Brgy. Pasimi, Malasiqui na pag-aari ni Marivic Villanueva habang ang kulay pulang Hyundai Elantra na pag-aari ni John Paul Regalado ay inabandona naman sa Brgy. Cobol, San Carlos City at inaalam kung kinarnap ang mga ito.
Samantalang hinahanap pa ng mga otoridad ang kulay itim na Toyota Wigo na ginamit din ng mga salarin.
Kinukunan na ng testimonya ang mga testigo at sinusuri na rin ang mga kuha ng CCTV sa crime scene at lugar na dinaanan ng mga salarin.
- Latest