Dalaga tumawa inutas ng kapitbahay
MANILA, Philippines — Hindi sukat akalain ng isang 18-anyos na dalaga na ang pagtawa niya sa pinanood na video sa kanyang cellphone ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan matapos na pagtatagain ng kanyang kapitbahay, kamakalawa ng hapon sa Zone 6, Brgy. Amoguis, Lagonoy, Camarines Sur.
Ang biktima na dead-on-arrival sa St. John Hospital ay nakilalang si Julie Mae Rivero, habang agad na naaresto ng mga rumespondeng pulis ang kapitbahay nitong suspek na si Joel Corono Israel, 35.
Sa ulat ng pulisya, bago nangyari ang krimen dakong alas-5:45 ng hapon ay nasa kanilang balkonahe ang biktima at nanonood ng video sa kanyang cellphone nang ito ay humagalpak ng tawa sa pinanonood niyang video.
Nagkataon na nasa labas ng bahay ang suspek na noon ay nagluluksa dahil sa pagkamatay ng ama ay minasama nito ang pagtawa ng biktima kaya’t kumuha ito ng itak at pinasok ang biktima sa bahay na agad pinagtataga sa iba’t ibang parte ng katawan na duguang humandusay sa balkonahe.
Malaki ang hinala ng pulisya na nakakaranas ng matinding depresyon ang suspek na ilang araw nang hindi natutulog dahil hindi matanggap ang pagkamatay ng kanyang tatay.
- Latest