MANILA, Philippines — Gutay ang katawan ng isang babaeng suicide bomber matapos sumabog ang nakakabit nitong improvised explosive device (IED) sa kanyang katawan sa labas ng isang kampo ng militar sa Indanan, Sulu.
Sinabi ni AFP-Western Mindanao Command (AFP-Westmincom) Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na “pipe bomb” ang ginamit sa pagpapasabog sa labas ng detachment ng Army’s 35th Infantry Battalion (IB) sa Brgy. Kajatian, Indanan ng lalawigan.
Ang nasabing suicide bomber ay nakasuot ng kulay itim na abaya na nagtangkang magpasabog sa loob ng nasabing kampo na mabuti na lamang at nasilat ng mga sundalo.
Kumilos na ang Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory sa pagkuha ng mga specimen ng nalasog na bahagi ng katawan ng nasabing suicide bomber upang mabatid ang nationality nito.
Kabilang sa mga natagpuang bahagi ng nagkapira-pirasong katawan ng babaeng suicide bomber ay ang putol na kamay na may balahibo, pugot na ulo at nagkagutay-gutay na kalamnan at sa pamamagitan ng DNA test ay mababatid ang nationality ng nasabing babae kung dayuhan ito o Pinoy.
Ayon naman kay Sobejana, hindi nila inaalis ang posibilidad na isang Egyptian ang nasawing babaeng suicide bomber.