15-anyos sinagpang ng buwaya
MANILA, Philippines — Isang 15-anyos na binatilyo ang nasawi nang sagpangin ng buwaya habang nanghuhuli ng isda sa Balabac, Palawan, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Romilo Sappayani Miranda, Grade 8 student ng Indalawan National High School, at residente ng Brgy. Rabor, Balabac ng lalawigan.
Sa ulat, bago nangyari ang insidente alas-10:00 ng gabi sa bahagi ng karagatan ng Brgy. Indalawan, Balabac, Palawan ay nagtungo ang biktima kasama ang tiyuhin at dalawang pinsan upang mag-diving at manghuli ng isda.
Sa pahayag ni Ismael Sarmiento, matapos ang kanilang pagda-dive ay napansin nito na palutang lutang ang flash light ng biktima sa dagat at kasunod nito ay ang malakas na tampisaw ng tubig at paglutang ng buwaya habang sakmal sa batok ang biktima.
Ang buwaya ay sumisid tangay ang biktima na dinala nito habang ginugutay-gutay sa pangil ang katawan sa malalim na bahagi ng karagatan.
Iniulat kahapon ng umaga ng pamilya sa mga otoridad upang humingi ng tulong para hanapin sakaling may nalabi pa sa katawan ng biktima kaya’t nagsagawa ng search and retrieval operation.
- Latest