MANILA, Philippines — Nasawi ang apat na magkakaanak matapos ma-trap sa loob ng kanilang nasusunog na bahay sa Millwood Subdivision, Brgy. Pulo, Cabuyao City, Laguna nitong Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktimang sina Baldomero Gayol, 54-anyos, insurance agent; misis nitong si Jennifer Gayol, 47; Rommel Gayol, 27; anak ng mag-asawa at Sofia Arabella Gayol, estudyante; apo ng mag-asawa.
Ang bangkay ng mga biktima na pawang na-suffocate ay natagpuan sa loob ng comfort room sa ikalawang palapag ng kanilang nasunog na bahay.
Sa ulat, naganap ang sunog dakong ala-1:45 ng madaling araw sa tahanan ng pamilya sa Blk. 14, Lt. 33, Dalandan St, sa nasabing subdibisyon.
Ayon sa imbestigasyon, mahimbing na natutulog ang pamilya nang sumiklab ang sunog at tupukin ng apoy ang tahanan ng mga ito na mabilis na kumalat sa buong kabahayan.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon na isang napabayaang appliance na nag-overheat ang pinagmulan ng sunog.
Samantala, tatlong katao rin na pawang magkakaanak ang nasawi kabilang ang isang babaeng senior citizen at dalawang paslit sa sunog na naganap sa isang residential area, sa Paco, Maynila, kahapon ng hapon.
Pawang natusta ang mga biktimang kinilalang sina Veronica Lopez, 74; Jamila Erich Miranda, 2; at Don France Anco, 7, mga residente ng isa sa dalawang bahay na natupok sa Cristobal St., Paco, Maynila.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-12:30 ng hapon nitong Biyernes nang magsimula ang apoy sa mismong bahay ng mga biktima at nadamay ang katabing bahay.
Umakyat lamang sa unang alarma ang sunog na tumupok sa magkatabing four-storey apartment na tinitirhan ng nasa 11 pamilya na pawang may kalumaan na ang nasabing paupahan na yari sa pinaghalong konkreto at kahoy.