Whistleblower sa ‘bentahan’ ng GCTA lumantad
MANILA, Philippines — Ibinulgar ng isang whistleblower sa Senado na totoo ang GCTA for sale sa Bureau of Corrections dahil naging biktima siya nito.
Sinabi ni Yolly Camilon, common-law wife ng isang inmate, sa Senate blue ribbon committee kamakalawa ng gabi na siningil siya ng P50, 000 kapalit ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ng kanyang asawa upang maagang makalaya.
Pero P10,000 lamang muna ang kanyang naiabot kay BuCor officer Ramoncito Roque na chief-of-staff ng document section ng NBP. Si Maj. Mabel Bansil na correctional inspector ang nagpakilala sa kanya kay Roque para sa GCTA.
Wika ni Camilon, nakulong ang kanyang asawa na may 2 taon sentensiya at dapat ay lalaya pa sa 2021 pero mapapadali raw ito sa Marso kapalit ng nasabing halaga na hindi naman nagkatotoo.
Itinanggi naman ni Roque ang paratang ng witness sa kanya.
Nanindigan naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon na dapat maparusahan ang lahat ng opisyal at tauhan ng BuCor na sangkot sa katiwalian sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance law (GCTA).
Iniutos naman ni Sen. Gordon ang pag-subpoena sa cellphone ni Bansil at isilid sa sealed wrapper at ipadala sa Senate Sergeant at Arms bilang ebidensiya.
Itutuloy ang pagdinig ng Senado sa Lunes ng umaga.
- Latest