MANILA, Philippines — Nagdeploy ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ng karagdagang babaeng pulis upang tumulong sa mga lalaking traffic enforcers para sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).
Pinangunahan kahapon ni PNP-HPG Director Police Brig. Gen. Eliseo DC Cruz ang paglulunsad ng HPG-All Women Patrollers/Traffic Supervisors Unit sa kahabaan ng EDSA sa panulukan ng Boni Serrano malapit sa Camp Crame, Quezon City.
Ang 20 kababaihang HPG officers ay kabilang sa Special HPG unit na mga sinanay na riders, traffic enforcement supervisors ay itatalaga sa EDSA sa dalawang shifts mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon at mula alas-3:00 ng hapon hanggang ala-1:00 ng madaling araw.
Ang HPG All-Women Patrollers/Traffic Supervisors Unit ay bahagi ng kabuuang 48 babaeng pulis na nagtapos sa motorcycle riding school kung saan ang pagsasanay ay nagsimula noong nakalipas na taon.
Ang mga kababaihang riders ay hindi deputado para mag-isyu ng tickets manapa’y makakatuwang lamang ng mga kalalakihang HPG traffic enforcers na otorisado ng Land Transportation Office (LTO) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mag-isyu ng ticket.