PNP tutugisin ang mga lumayang crime convicts
MANILA, Philippines — Bubuo ang Philippine National Police (PNP) ng tracker team para tugisin at muling arestuhin ang nasa 2,000 napalayang convicted criminals dahil sa kuwestiyonableng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Sinabi ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde, ang hakbang ay bahagi lamang ng pro-active measure kung saan ay ikokonsidera nilang mga pugante ang mga napalaya kung ma-invalid o mawalan ng bisa ang pagpapalaya sa mga ito o bawiin ng gobyerno ang desisyon kabilang sa pitong big time drug lords na napalaya na.
Anya, kinukuwestiyon ng mayorya ng grupo ng mga abogado ang legalidad ng desisyon upang bawiin ang ibinigay na kalayaan sa mga convicted na kriminal sa ilalim ng GCTA.
Sinabi ni Criminal Law Professor at dating Supreme Court Spokesman Theodore Te na kung ibabalik muli sa kulungan ang mga pinalaya ay isa itong paglabag sa Revised Penal Code at sa Saligang Batas.
Idinagdag pa rito na ang malaking pagkakamali at pag-abuso sa implementasyon ng GCTA ay hindi magpapatibay para muling arestuhin ang mga napalaya na.
Pero, sinuportahan ni Albayalde ang interpretasyon ng Malacañang partikular na si Presidential Spokesman Salvador Panelo na maaring muling arestuhin ang mga napalayang convicted na kriminal.
Ayon pa sa PNP Chief ay patuloy nilang minomonitor ang mga kagaganap sa kontrobersiya sa GCTA sa ilalim ng pamumuno ni Bureau of Corrections (BUCOR) Chief Nicanor Faeldon na siyang lumagda sa release order ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Naging kontrobersyal ang GCTA matapos na mabulgar na kabilang sa listahan ng mga palalayaing nasa11,000 pang convicts sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa ay si Sanchez.
Si Sanchez ay na-convict ng pitong habambuhay na pagkakabilanggo sa rape-slay ni University of the Philippines Los Baños student Eileen Sarmenta at kaibigan nitong si Allan Gomez.
- Latest