Senador Dela Rosa kasama rin...
MANILA, Philippines — Posibleng magisa si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon sa pagdinig na gagawin ng Senado tungkol sa isyu ng kuwestiyonableng pagpapatupad ng good conduct time allowance (GCTA) nang ito ay padalhan ng subpoena para maobligang dumalo sa gaganaping pagdinig ngayong araw.
Nabatid na nakatanggap umano ng liham ang Senate blue ribbon committee mula kay Faeldon na nagsasabing hindi ito dadalo sa hearing na itinakda ngayong araw at sa halip ay ipapadala lamang nito ang legal office chief ng BuCor na si Frederic Antonio Santos dahil sa may dadaluhan umano itong training na sponsored ng Canadian embassy.
Nagalit umano si Sen. Richard Gordon, nang mabasa ang sulat ni Faeldon na hindi dadalo kaya agad nitong inatasan ang kanyang komite na maghanda ng rekomendasyon upang humingi ng subpoena.
Tinawagan umano ni Gordon si Senate President Vicente Sotto III upang hingin ang kanyang pahintulot na pirmahan ang subpoena na ihahain kay Faeldon.
Binigyang-diin sa subpoena na kailangang sumipot ni Faeldon sa pagdinig kung ayaw nitong magkaroon ng mas mabigat na responsibilidad sa Senado.
Nais na pagpaliwanagin ng ilang mga mambabatas si Faeldon kung paano napalaya ang halos 2,000 mga preso sa ilalim ng GCTA law.
Hihingin din ang panig ni Faeldon kung bakit napasama rito si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta noong 1993.
Iginiit kahapon ni Sen. Sotto na hindi lamang si Faeldon ang magigisa kundi maging si Sen. Ronald Dela Rosa na naging BuCor chief din.