Duterte tiniyak na mabubulok sa kulungan si Sanchez
MANILA, Philippines — Siniguro ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi makalalabas ng kulungan si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Ito ang sinabi ni Sen. Bong Go nang magbigay ng direktiba ang Pangulo kina Justice Secretary Meynardo Guevarra at BUCOR chief Nicanor Faeldon para masigurong hindi makakalabas ng kulungan si Sanchez.
“Ang utos ng Presidente sa dalawa, huwag i-release ang convicted rapist at murderer na si Sanchez na una ng napaulat noong isang linggo na posibleng makalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA)”, wika ni Go.
Binigyang diin ng Senador na pinag-aralan ng Pangulo ang Republic Act 10592 at malinaw naman aniyang hindi saklaw na mabigyan ng karapatang makalaya ang mga presong nahatulan ng guilty dahil sa heinous crime.
Ayon naman kay Justice Undersecretary Mark Perete, spokesman ng DOJ, hindi na ipoproseso ang tarperta ni Sanchez kaugnay ng Good Conduct Time Allowance dahil malinaw sa batas na hindi nito sakop ang mga bilanggo na sentensyado sa heinous crime at si Sanchez ay sentensyado ng pitong life sentence.
Kaya’t sa nasabing probisyon ay posibleng mabawasan ang 11,000 bilanggo na unang napaulat na posibleng makalaya sa pamamagitan ng GCTA.
- Latest