2 iniwang patay ni ‘Ineng’

Binaha ang ilang lugar sa Metro Manila kahapon dahil sa matinding pag-ulan na dulot ng bagyong Ineng.
KJ Rosales

MANILA, Philippines — Dalawang katao kabilang ang isang 17-anyos na dalagita ang iniwang patay ng bagyong Ineng habang lumubog naman sa baha ang ilang bayan sa Ilocos Norte at La Union habang nagkamatay din ang mga alagang hayop, nitong Sabado ng madaling araw, ayon sa opisyal kahapon.

Kinilala ang nasa­wing biktima na si Pauleen Joy Corpuz, natabunan sa landslide nitong Sabado ng umaga sa Brgy. Surong, Pasuquin, Ilocos Norte .

Base sa report, naiwan sa kanilang tahanan ang dalagita habang ang kanyang mga magulang at kapatid ay nasa evacuation center dahil may aayusin pa muna ito sa kanilang mga kagamitan.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) Region 1 Director Melchito Castro, bukod kay Corpuz, may isa pang napaulat na nasawi sa Laoag City sanhi ng malawakang pagbaha bagaman patuloy pa nila itong kinukumpirma.

Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal ay isinailalim na sa state of calamity ang buong Laoag City bunga ng matinding epekto ng pagbaha sa lugar. Nabatid na maging ang mga palayan sa lungsod ay lumubog sa tubig baha.

Nabatid din sa ulat ng Benguet Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), gumuho naman ang malaking bahagi ng Ambuklao Rd bunsod upang isara muna sa mga motorista ang kalahati sa bahagi ng nasabing daan.

Patuloy naman ang rescue operation ng mga otoridad sa mga biktima ng kalamidad sa mga apek­tadong lugar partikular na sa Ilocos Norte.

Show comments