Ex-mayor Sanchez malabong makalaya
MANILA, Philippines — Naunsiyami ang napipinto sanang pagpapalaya kay convicted rapist/murderer na si dating Laguna, Calauan Mayor Antonio Sanchez makaraang sabihin ng Bureau of Corrections (BuCor) na hindi pa siya maaaring maging kuwalipikado sa “good conduct and time allowance (GCTA)”.
Ito ang sinabi ni BuCor Director General Nicanor Faeldon sa New Bilibid Prisons, kabilang ang pagkakadiskubre ng P1.5 milyong halaga ng ilegal na droga sa kanyang selda noong 2010 na dahilan para hindi siya makasama sa mapapalaya.
Anya, maraming ulat ng kanyang hindi magandang asal sa bilangguan ang nakarating sa kanya na siyang kakaltasin sa kanyang oras sa “good conduct”. Kasama rin dito ang pagkakadiskubre ng ‘flat-screen television’ at air-conditioning unit sa kanyang selda noong 2015.
“Preliminary, kasi marami siyang involvement sa some not good behavior eh baka hindi nga siya qualified That’s really the probability,” ayon kay Faeldon.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring mapasama si Sanchez sa mapapalayang mga bilanggo na kuwalipikado sa GCTA na naisabatas noong 2013 na nagtatapyas sa oras sa bilangguan ng mga bilanggo na nakulong noong dekada 90 ng aabot sa 19 na taon nang iutos ng Korte Suprema ang pagiging “retroactive” nito.
Si Sanchez ay nahatulan ng pitong bilang ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong noong 1995 dahil sa pagpatay kina Allan Gomez at Eileen Sarmenta na ginahasa rin ng dating alkalde.
Hinatulan din siya ng dalawang reclusion perpetua ng Korte Suprema noong Agosto 1999 dahil sa pagpatay sa mag-amang Nelson at Rickson Peñalosa.
Samantala, isang petisyon sa website na Change.org ang lumalakas ngayon na nananawagan sa DOJ na ipatupad ang pitong habambuhay na hatol kay Sanchez. May 26,000 na pirma na ngayon ang petisyon na inumpisahan ng isang netizen na si “B. Vergara”.
- Latest