Bise alkalde todas sa pamamaril
MANILA, Philippines — Isang bise alkalde ng bayan ng San Andres, Quezon ang nasawi nang ito ay malapitang pagbabarilin ng nag-iisang gunman na pumasok sa compound ng bahay nito sa Brgy. Kanlurang Mayao, Lucena City, Quezon, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital dahil sa tama ng bala sa ulo ay kinilalang si San Andres Vice Mayor Sergio “Popoy” Emprese, 60.
Sa imbestigasyon, bago nangyari ang pamamaril ay nakahiga at nagpapahinga sa sofa sa kanyang bahay sa Santol Street, Calmar Homes Subdivision, Brgy. Kanlurang Mayao, Lucena City ang biktima nang pumasok ang suspek at agad na pinagbabaril sa ulo.
Napalabas ng kuwarto ang kapatid ng biktimang si Chuchi Francisco Emprese pero binantaan ito ng salarin ng “huwag lalapit habang nakaumang ang baril”.
Mabilis na tumakas ang suspek na nakasuot ng kulay pulang t-shirt, dalandan na short at naka-tsinelas lamang.
- Latest