2 Abu Sayyaf na may patong sa ulo, naaresto
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga tauhan ng NBI sa magkahiwalay ng operation ang dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na kapwa may patong sa ulo na P600,000 sa Zamboanga City at Parañaque City.
Iniharap kahapon sa media ang dalawang suspek na sina Abdulla Addi Danial alyas “Tuma” at Aluyudan Guru Y Ysmael alyas “Abu Tarik” na kapwa dinakip sa bisa ng warrant of arrest sa kasong kidnapping at serious illegal detention na inisyu ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 266.
Si Tuma ay nadakip noong Hulyo 31, 2019 habang papasok sa isang mall sa Zamboanga City ng pinagsanib na pwersa ng NBI, Philippine Navy at Special Action Force.
Si Tuma ay close associate umano nina ASG leaders Khadaffy Janjalani at Isnilon Japilon at nagsilbing manggagamot ng ASG, sangkot sa pagdukot sa 6 na katao sa Patikul, Sulu noong Agosto 20, 2002 kung saan napugutan ng ulo ang 2 lalaking hostage at ipinanghingi ng ransom ang 4 na babaeng hostage, at positibong itinuro ng witness na perimeter guard. Siya ay nakasuhan kasama ang namatay na si Galib Andang alyas “Kumander Robot”.
Sangkot din ito sa kidnapping ng 21 katao na kinabibilangan ng 19 na banyaga at 2 Pinoy sa Sipadan, Malaysia noong Abril 2000 at pagdukot sa 3 Indonesian sailor na namatay.
Si Abu Tarik ay nadakip na nagtitinda ng medyas malapit sa Baclaran LRT station sa Parañaque City nitong Agosto 15.
Kinilala ng mga biktima na nagsilbing perimeter guard sa mga hostage mula sa Golden Harvest Plantation na madalas umanong umuwi sa bayan niya sa Lanao Del Norte dahil malapit siya sa pro-ISIS Maute Brothers at namataan din sa meeting ng ASG bago pa maganap ang Marawi Seige at gumawa ng paraan para mapasok ng Yakan Group ni Isnilon Hapilon ang Marawi.
- Latest