Senado at House iimbestigahan ang mga bangko sa pagpataw ng mataas na charges sa atm transactions

Matatandaan na noong Hulyo 19, 2019 ay inilabas ng BSP ang memo­randum 219-020 na nag-aalis sa moratorium na nagtataas sa ATM fees na huling ipinatupad noong Setyembre 27, 2013.
File

MANILA, Philippines — Dapat umanong pa­ngalanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bangko na magpapataw ng mataas na charges sa ATM transactions.

Ito ang naging ha­mon ni Makati Rep. Luis Campos Jr., sa Consumer Financial Protection Department ng BSP lalo na at magsasagawa ang Kamara at Senado ng hiwalay na pagdinig tungkol sa nasabing usapin.

Matatandaan na noong Hulyo 19, 2019 ay inilabas ng BSP ang memo­randum 219-020 na nag-aalis sa moratorium na nagtataas sa ATM fees na huling ipinatupad noong Setyembre 27, 2013.

Sa kasalukuyan ang bank charges ay sa pagitan ng P10-P15 kada interbank withdrawal at P2-P2.50 kada interbank balance inquiry.

Karamihan umano sa lahat ng bangko ngayon ay gustong magtaas ng ATM charges ng 50 porsiyento bago naglabas ng kautusan ang BSP.

Sinabi naman ni Deputy Speaker Johnny Pimentel na bubusisiin ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries kung saan napupunta at inilalaan ang ATM charges ng mga bangko kaugnay sa ba­laking dagdag na 50% na singil sa mga ATM transactions.

Iginiit ni Pimentel, walang batayan ang mga bangko para magtaas pa ng singil sa mga ATM transaction fees dahil marami pa umanong singil ang bangko na ikinakaltas sa mga cardholders tulad ng mga account na mas mababa sa maintaining balance na kung tutuusin ay pera naman ng mga cardholders.

Mayroon din uma­nong P300 hanggang P500 na otomatikong ibinabawas sa mga accounts na mas mababa sa P10,000 hanggang P25,000 na minimum monthly daily average at may ipinapataw ding singil sa mga inactive accounts.

Show comments