MANILA, Philippines — Tumimbuwang ang dalawang miyembro ng Batang City Jail (BCJ) habang isa ang malubhang nasugatan nang ratratin ng ‘di pa natutukoy na suspek ang kanilang barung-barong sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead-on-the-spot sina Herwin Tribidino, 19, residente ng Blk. 5, Ext. 54, Baseco Compound, Port Area, Maynila; at Allan Bautista, alyas “Buboy”, 19, ng Bldg. 15, Temporary Housing, Aroma Compound, Tondo,
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan si Reynaldo Delposo, 18, ng Blk. 11, Brgy. 649, Baseco Compound, Port Area dahil sa tama ng bala sa likod.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:00 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang mga biktima sa barung-barong ni Bautista nang may kumatok na kanya namang pinagbuksan.
Dito ay bumuluga kay Bautista ang isang lalaking nakasuot ng face mask at agad silang pinagbabaril at mabilis na tumakas.
Isang lalaki rin ang sinasabing nagsilbing look-out sa labas ng barung-barong na naglaho rin matapos ang pamamaril.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso.