Dahil kay Hanna at habagat... 400 lugar binaha
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umaabot sa 400 lugar ang binaha dahilan sa malalakas na mga pag-ulan na dulot ng bagyong Hanna at habagat.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, kabilang sa mga pinakaapektadong mga lugar ay ang Region 1, 3, MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) kung saan aabot sa 17,000 pamilya o katumbas na mahigit 69,000 mga indibidwal ang naapektuhan.
Samantala, mahigit 100 pamilya o kabuuang 400 indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers.
Ang bagyong Hanna na pinalakas pa ng habagat ay nagdulot ng malalakas na pag-ulan kaya binaha ang mga apektadong lugar sa nabanggit na mga rehiyon.
Nabatid na bukod sa mga pagbaha ay nakapagtala rin ang NDRRMC ng 20 insidente ng landslide at patuloy na nakaalerto dahilan nagdudulot pa rin ng mga pag-ulan ang habagat bagaman umalis na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Hanna.
- Latest