‘Mga anak namin ibalik n’yo’!
Mga magulang sa CPP-NPA...
MANILA, Philippines — Humarap kahapon sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Sena-dor Ronald “Bato” dela Rosa ang limang magulang na ang kanilang mga kabataang anak ay na-recruit ng makakaliwang grupo sa loob ng kanilang pinapasukang eskwelahan.
Hiniling ng mga ito sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na ibalik na sa kanila ang mga anak nila.
Kabilang sa mga humarap ay sina Relissa Lucena, ina ni Alicia Lucena, 17-anyos nang ma-recruit; Luisa Espina, ina ni Louvaine Erika Espina, 17; Elvie Caalaman, ina ni Lorevie Caalaman, 16; Gemma Labsan, ina ni Ghemarie Labsan, 16; at Jovita Antoniano, ina ni Trisha Antoniano.
Hindi napigilan ng mga magulang na maging emosyonal habang ikinukuwento ang malaking pagbabago sa kanilang mga anak na na-recruit ng Anak Pawis Partylist at Kabataan Partylist at League of Filipino Students (LFS).
Sa salaysay ni Lucena ng Pasay City, nakita niya sa post sa Facebook na ginamit ng Anakpawis at Kabataan partylist ang kaniyang anak noong nakaraang halalan.
Madungis umano ang kanyang anak habang nagkakabit ng mga campaign materials ng Kabataan Partylist.
Ikinuwento naman ni Caalaman na sa loob ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na-recruit ang kanyang anak na tuluyan ng hindi bumalik sa kanilang tahanan matapos magkaroon ng matinding pagbabago sa ugali nito.
“Then noong mag-aral na siya sa PUP, 16 years old okay naman po sa una. Pagdating po ng mga ilang buwan na ang anak ko po ay minsan ay muuwi ng alas nuebe ng gabi…hanggang sa maging madaling araw na… ako po ay kinakabahan dahil babae po ang anak ko,” sabi ni Caalaman.
Isinalaysay naman ni Gemma Labsan, ang nangyari sa kanyang anak na si Ghemarie na na-recruit ng Anakbayan nang lumipat sa University of the East.
Buong buwan umano ng Hunyo ay nagpaalam ang kanyang anak na pupunta sa UP Diliman upang dumalo sa seminar tungkol sa journalism.
Ikinuwento rin ni Labsan kung papaano niya inabangan ang anak sa hanay ng mga nag rally noong nag State of the Nation Address (SONA) ang Pangulo.
“Bigla ko pong hinila ang anak ko. Nagpupumiglas pa ang anak ko. Ang hirap ko po siyang ma-convince…. Kawawa din naman po yong ibang magulang na mare-recruit noong anak ko. Sa ngayon bantay sarado po siya,” sabi ni Labsan.
Sa limang mga magulang na dumalo sa pagdinig tanging ang anak lamang ni Labsan ang nakabalik sa pamilya pero patuloy pa ring binabantayan upang hindi makaalis ng bahay.
Tinuruan din umano ng grupo na maging malayo ang loob ng kaniyang anak sa pamilya nito.
Nabatid na umabot na sa 513 kabataan ang na-recruit ng CPP-NPA mula 1999 hanggng 2019 ayon sa record na ibinigay ng Armed Forces of the Philippines kay Senator Dela Rosa.
Ang 513 na bilang ng mga kabataan ay kumakatawan sa mga sumuko, nahuli o napatay ng militar at ayon sa record, 362 sa mga ito ang sumuko; 134 ang nahuli at 17 ang napatay.
- Latest