PNP chief: Mga pasaway na pulis, mag-resign na kayo!
MANILA, Philippines — Hiniling ni Philippine National Police (PNP) Chief P/General Oscar Albayalde na mag-resign na lang sa kanilang mga trabaho ang mga pasaway na pulis na hindi makakasunod sa mga alituntunin ng pambansang pulisya.
Ang pahayag ay ginawa ni Albayalde sa kaniyang pagharap sa ikalawang batch ng 55 pasaway na parak na isasalang sa 30 araw na reformation at re-training program sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Subic, Zambales bilang bahagi ng internal cleansing ng PNP.
Sa tala ng PNP, aabot sa 5,582 parak ang mga pasaway na nakagawa ng mga minor offense katulad ng Absence Without Official Leave (AWOL), tardiness o katamaran, mishandling ng mga drug cases, minor extortion, nahuhuling tulog sa duty, hindi maayos makitungo sa publiko na maari pang mapatawad at mabago na hindi tulad ng may mabibigat na kaso na sibak sa sebisyo ang kaparusahan.
“There is nothing wrong with admitting mistakes, galit kayo dahil napahiya kayo ang tanong ko sa inyo hindi kaya mas napapahiya ang PNP ang buong organisasyon sa mga nagawa ninyo at nadamay pa ang iba”, pahayag ni Albayalde kaugnay ng puspusang internal cleansing program.
Ang nasabing mga parak ay may kasong administratibo at hindi naman mabibigat ang kaso na maari pang mabago sa retraining at reformation program.
Binigyang diin nito na tuluy-tuloy ang gagawing retraining sa mga pasaway na parak simula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at susunod ang iba pang mga Police Regional Offices (PRO’s ).
Ang nasabing mga parak ay binibigyan ng ikalawang pagkakataon para magbago kaya isasalang sa isang buwang focused restorative training, reorientation at moral enhancement.
- Latest