MANILA, Philippines — Matapos umabot na sa 622 katao ang nasawi sa dengue outbreak sa bansa ay idineklara kahapon ng mga opisyal sa pangunguna nina Department of Health Secretary Francisco Duque III at National Disaster Rick Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairman at Defense Secretary Delfin Lorenzana ang national dengue epidemic.
Sa joint press briefing sa tanggapan ng NDRRMC sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Duque na hiniling niya kay Lorenzana na mag-convene ng full council meeting matapos na maitala sa 146 ang kaso ng dengue simula Enero hanggang Hulyo 20 ng taong ito kung saan mataas ito ng 98% sa kaparehong period noong 2018.
“In response to the DOH, we are declaring a national dengue epidemic”, pahayag ni Lorenzana sa mediamen.
Sa tala ng DOH Dengue Surveillance Report ang Region 6 (Western Visayas) ang may pinakamalaking bilang ng kaso ng dengue na aabot sa 23,330 na sinusundan naman ng Region IV-A (CALABARZON) na nasa 16,515, Region IX (Zamboanga Peninsula) na nasa 12,317, Region X (Northern Mindanao) na naitala sa 11, 455 at Region XII (SOCCSKSARGEN) na nasa 11, 083 kaso.
Samantala pito sa 17 rehiyon ang lumagpas na sa ‘epidemic threshold of dengue’ sa kanilang rehiyon sa nakalipas na tatlong linggo na kinabibilangan ng CALABARZON na nasa 16,515 ang kaso ng dengue; MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) nasa 4,254; Bicol nakapagtala ng 3, 470; Region VI (Western Visayas) nasa 23,330; VIII (Eastern Visayas) na nasa 7,199; IX (Zamboanga Peninsula) nasa 12,317 at Northern Mindanao na nasa 11,455 kaso.
Ang iba pang mga rehiyon na itinaas na rin ang alert threshold level ay kinabibilangan naman ng Region 1 (Ilocos) na nasa 4, 396 ang kaso; VII (Central Visayas) nakapagtala ng 10,728 at BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) na nasa 2, 301 kaso.
Inihayag ni Duque na ang bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa sa ika 29th Morbidity Week mula Hulyo 14-20 ay nasa 10,502 kaso na mas mataas ng 71 % kumpara sa naitala noong 2018 sa kaparehong period na umabot sa 6, 128 kaso.
Inilunsad naman ng DOH, iba pang mga ahensya ng pamahalaan, Local Government Units, schools, mga opisina at mga komunidad ang Sabayang 4’0 clock Habit para sa Deng-Get Out) na ang pokus ay hanapin at puksain ang mga pinamamahayan ng mga lamok na posibleng nagtataglay ng dengue virus.