Height requirement sa PNP, BFP at BJMP, pinatatanggal
MANILA, Philippines — Isang panukalang batas ang isinusulong sa Senado na naglalayong tanggalin ang height requirement sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire and Protection (BFF) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa Senate Bill 312, sinabi ni Senator Juan Miguel Zubiri na ang “heightism” ay maituturing na isang uri ng diskriminasyon na matagal nang umiiral sa mga law enforcement agencies.
Ipinunto ni Zubiri na maraming mga magagaling na indibiduwal na nais magsilbi sa mga nabanggit na ahensiya ng gobyerno pero bagsak naman sa height requirement.
Ayon pa kay Zubiri, ang “heightism” ang ginagamit na termino ng BFP na nagbibigay ng pabor sa mas matatangkad na indibiduwal.
Ipinunto pa ni Zubiri na noong 2018, tinanggal na ng National Police Commission (Napolcom) ang height requirement para sa mga nagnanais kumuha ng PNP entrance exam.
Pero ang pagtanggal ng height requirement ay para lamang sa PNP entrance exam at hindi sa recruitment ng mga pulis.
Hindi naman maaaring tanggalin ng National Police Commission ang height requirement dahil itinakda ito sa Republic Act 6975 o ang Department of Interior and Local Government Act of 1990, ang batas na nagtatag sa PNP.
Ang height requirement ay kabilang sa “minimum qualifications” ng PNP na nakasaad sa Section 30 ng RA 6975 kung saan ang mga lalaki ay dapat hindi bababa sa 1.62 meters (5’4”) at 1.57 meters (5’2”) para sa mga babae.
- Latest