MANILA, Philippines — Inamin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na posibleng buwagin na ang “visa upon arrival” na ibinibigay sa mga dayuhan partikular ang Chinese.
Ito ay kasunod ng sinasabing security concern dahil sa pagdagsa ng mga Chinese nationals sa bansa.
Sinabi ni Guevarra na ang visa upon arrival ay isang konsepto upang makahimok ng mga bisita na mula sa ibang bansa, gaya sa China.
Pero kung sakaling alisin na ang visa upon arrival ay turismo ng bansa ang maaapektuhan.
Tiniyak naman ni Guevarra na pinag-aaralan na ng DOJ katuwang ang Bureau of Immigration ang visa upon arrival, upang maiwasan ang mga pang-aabuso rito.
Ayon naman kay Justice Usec. Mark Perete, hinihintay na lamang ng DOJ ang formal recommendation ng BI hinggil sa pagrebisa o pagsasaayos sa mekanismo, kasunod na rin ng panawagan ni Foreign Affairs Sec. Teddy Boy Locsin na ibasura ito.
Batay sa mekanismo, ang visa upon arrival ay limitado lamang sa tatlong buwan lamang bilang tourist, habang pwedeng i-extend ng tatlong buwan pa.
Pero, ang problema ay may nananamantala rito, gaya ng kino-convert ng mga dayuhan bilang work visa.