Batanes nilindol: 8 patay, 60 sugatan
MANILA, Philippines — Walong katao ang kumpirmadong nasawi habang hindi bababa sa 60 ang sugatan sa dalawang killer earthquake na tumama sa isla ng Itbayat, Batanes, kahapon.
Sa report ng Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at Police Regional Police Office (PRO) kabilang sa mga nasawi ay dalawang sanggol na sina Fiona Valiente at Haisly Naquita; Eva Valiente, 19; Mary Rose Valiente; Tito Asa, 88; Teresita Gulaga, 73; Fausta Caan, 73; at Jenward Hina, 31 taong gulang.
Nasa 60 naman ang nasugatan na mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivocs) ang unang lindol na naitalang magnitude 5.4 ay naramdaman dakong alas 4:16 ng umaga habang ang pangalawa na may lakas na magnitude 5.9 ay tumama ng 7:37 am.
Ang lindol ay may lalim na 5 kilometro at naramdaman din ang Intensity IV sa bayan naman ng Basco. Tectonic ang origin ng lindol na may epicenter na 21.39 sentigrado sa hilaga at 122.12 sentigrado naman sa silangan, nasa 072 Km sa hilaga at 23 degree naman sa silangan ng Itbayat.
Ayon kay Cagayan Police Director Brig. Gen. Mario Espino ang mga nasawi at nasugatan ay sanhi ng pagguho ng mga bahay na gawa sa bato o matibay at konkretong istraktura sa lalawigan.
Sinabi naman ni Phivolcs director Renato Solidum, wala namang inaasahang tsunami threats kaugnay ng naganap na malakas na pagyanig.
- Latest