MANILA, Philippines — May hawak na mga ebidensiya na iprinisinta ang kontrobersyal na whistle blower na si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy laban kay Vice President Leni Robrero, mga obispo at iba pang kasapi ng oposisyon na naging batayan ng pagsasampa ng kasong sedisyon laban sa mga kritiko ng administrasyon.
Ito ang sinabi ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde, at kabilang sa mga iprinisintang ebidensiya ni Bikoy ay ang kaniyang cellular phones na naglalaman ng kaniyang pakikipag-usap sa mga personalidad na inilutang nitong nasa likod ng kontrobersyal na Bikoy “Ang Totoong Narcolist video’ gayundin ang laptop nito.
Ang mga pahayag ni Bikoy ay pinatunayan ng iba pang mga testigo na nakunan ng testimonya ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa ilalim ng pamumuno ni Police Major Gen. Amador Corpus.
Muli rin nitong iginiit na normal lamang na komonsulta muna ang PNP-CIDG sa isyung legal sa Office of the Solicitor General (OSG) bago magsampa ng kasong sedisyon sa Department of Justice (DOJ).
Si Bikoy ang nagdawit sa ilang miyembro ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte at mga malalapit na kaibigan sa illegal drug trade sa bansa sa ‘Ang Totoong Narcolist video”.
Subalit, bumaligtad ito at itinuro si dating Senador Antonio Trillanes IV na siyang utak kung saan kasama rin sa mga inakusahan si Robredo, ilang mga Obispo at maging ang iba pang miyembro ng oposisyon na may plano umanong ibagsak ang administrasyon.
Sinabi ni Albayalde na si Bikoy mismo ang nagpalutang sa pangalan ni Robredo kaya maging ito ay sinampahan ng kaso ng PNP-CIDG.