MANILA, Philippines — Nadakip ng mga otoridad ang mag-asawang lider ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA) sa Quezon City, kamakalawa.
Kinilala ang mag-asawang suspek na sina Alexander Ramonita Kintanar Birondo, 67; at Winona Marie Oñate Birondo, 60, kapwa residente ng Block 5, Lot 5, Strauss St., North Olympus Subd. Brgy. Kaligayahan, Quezon City.
Si Winona ay sinasabing Secretary ng National Propaganda Commission habang ang mister nito ay opisyal naman ng National Education Commission ng CPP/NPA.
Nakuha ng mga otoridad sa mag-asawa ang iba’t ibang subersibong dukumento, baril, mga bala at granada.
Sa ulat, dakong alas-5:30 ng umaga noong Miyerkules nang arestuhin ng mga otoridad ang mag-asawa sa kanilang safehouse sa Unit 515, 5th Floor Archway Apartment No. 53 Dagupan St., Brgy. Mariblo, San Francisco Del Monte, Quezon City sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Decoroso M. Turla ng RTC 8th Judicial Region, Br. 21, Northern Samar para isilbi laban sa grupo ni Paciano Pajarito at Rolando Caballero alias Jet dahil sa kasong murder.
Pinigil at nakialam umano ang mag-asawa sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Caballero kaya nakatakas dahil dito ang mag-asawang suspek na lang ang inaresto.
Pagdating sa himpilan ng pulisya ay natukoy na ang mag-asawa ay kapwa lider din ng CPP/NPA na una na ring nadakip ng mga otoridad noong March 4, 2015.
Pero, napalaya dahil ibinigay na konsiderasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pangakong hihimukin nila ang iba pa nilang kasamahan sa kilusan na magbalik-loob sa gobyerno pero hindi tumupad ang mga ito sa usapan.