MANILA, Philippines — Bilang paghahanda sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw ay itinaas na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa red alert status ang kanilang puwersa.
Sinabi ni Col. Noel Detoyato ng AFP Public Affairs Office, simula noong Biyernes ay itinaas na nila sa red alert status ang buong AFP bilang paghahanda sa SONA.
Kaya nangangahulugan na nasa standby mode na ang buong tropa ng militar para tumulong at sumuporta sa Philippine National Police (PNP) na siyang mangunguna sa security efforts ngayong araw.
Nilinaw naman ni Detoyato na wala silang namomonitor na anumang banta mula sa mga local terrorist groups, sa kabila nito patuloy pa rin silang nakaalerto at nakahanda sa anumang banta ng kaguluhan sa National Capital Region (NCR) kung saan nandoon ang mga ahensiya ng gobyerno.
Nanawagan naman si Detoyato sa AFP sa publiko na i-report sa mga otoridad ang anumang kahinahinalang galaw ng mga inbidwal sa kanilang paligid lalo na ang mga nagsasagawa ng aktibidad habang nagsasagawa ng SONA ang pangulo.