MANILA, Philippines — Isa na namang abusadong pulis ang tinanggal sa puwesto makaraang mag-viral sa social media ang video na nagpapakita na sinasaktan nito ang isang bata sa loob ng isang basketball court sa Pasig City.
Ipinag-utos ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, P/Major General Guillermo Eleazar na i-relieve sa kanyang tungkulin ang pulis na si P/SSgt. Nicolas Lapie Jr., nakatalaga sa Marikina City Police Station. Inilipat na siya sa kustodiya ng Regional Holding and Support Unit at nakaditine na sa Pasig City Police Station Custodial Cell.
Sa naturang kumalat na video sa social media, makikita rito na sinakal ng kaliwang kamay ng pulis ang leeg ng 8-anyos na totoy at saka pinagdadagukan dakong alas-7:56 ng gabi nitong Hulyo 7 sa isang basketball court sa Brgy. Bambang, sa naturang lungsod.
Nagtangkang tumakbo palayo ang bata ngunit hinablot pa siya ng pulis at naawat na lamang ang pang-aabuso ng pulis sa bata nang makialam na ang mga tao na nakapaligid at nailayo ang bata sa suspek.
Sinampahan na ng kasong Physical Injury at paglabag sa Republic Act 7610 o ang Anti-Child Abuse Law ang abusadong pulis habang dinala naman ang bata sa Women’s and Children’s Desk ng Pasig City Police.