MANILA, Philippines — Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs Port of NAIA District Office sa tatlong araw nitong operasyon ang mga baril at bala sa isang warehouse sa Pasay City, ayon sa ulat.
Nadiskubre sa DHL warehouse ang 35 piraso ng imported rifle parts mula sa Hong Kong na idineklarang general merchandise maging ang isang Glock pistol, apat na unit ng Glock magazines at 92 piraso ng live ammunitions na idineklarang “new water pump” at dadalhin sana sa Taiwan.
Sa nasabing warehouse din nakumpiska ang isang airgun rifle at apat na piraso ng airgun accessories at gun parts na mula sa China.
Nakumpiska ang mga ito sa magkakaibang petsa na Hulyo 1, Hulyo 4 at Hulyo 7.
Sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Act, kukumpiskahin ang mga inimport at inexport na mga baril, gun parts at ammunition kung walang kaukulang clearance mula sa gobyerno.