Parak na nanigaw sa call center agent, tinanggal
MANILA, Philippines — Tinanggal sa puwesto ang isang pulis na nag-viral ang video habang kinokompronta at pinagsasalitaan ng masama ang isang call center agent sa loob ng isang karinderya matapos lamang umanong “masapawan” siya nito habang bumibili ng pagkain sa San Juan City, kamakalawa ng gabi.
Agad sinibak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen Guillermo Lorenzo Eleazar sa puwesto si P/SMS Arnulfo Ardales, na nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 3 ng San Juan City Police dahil sa misconduct.
Ipinag-utos ni Eleazar na ilipat muna si Ardales sa District Headquarters Support Unit (DHSU) ng Eastern Police District (EPD) habang iniimbestigahan pa nila ang insidente.
Nabatid na nag-ugat ang pagsibak sa pulis sa isang video na nag-viral sa social media, kung saan makikita si Ardales na kinokompronta ang complainant na si Aaron Estrada, 21, call center agent sa loob ng isang karinderya sa Aurora Boulevard, kanto ng R. Lagmay St. sa Brgy. Ermitaño, San Juan City, dakong alas-11:00 ng gabi nitong Sabado.
Sa video ay tila nabastusan si Ardales nang habang bumibili siya ay pumasok si Estrada at dumukwang sa tindahan upang bumili rin sana.
Kaagad na sinita at pinagsalitaan ng pulis ang biktima nang aniya ay ‘sapawan’ siya nito gayung nauna siyang bumili sa tindahan.
Pinagmumura, dinuro at pinagbantaan pa ng suspek na aarestuhin at mamarkahan ang complainant ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay may nakapag-video sa kanyang ginagawa, kaya’t kaagad itong nakaabot sa kaalaman ni Eleazar.
Hinikayat ng NCRPO chief ang publiko na tulungan ang Philippine National Police (PNP) sa paglilinis ng kanilang hanay sa pamamagitan nang pagbibigay ng impormasyon sa mga ganitong uri ng abusadong pulis, upang magawaan nila ng kaukulang aksyon.
- Latest