Hepe, 19 pulis sa Rizal sibak sa pagkamatay ng paslit sa buy-bust
MANILA, Philippines — Inalis na sa puwesto ang hepe at 19 iba pang pulis ng Rodriguez, Rizal simula noong Miyerkules, kasunod ito ng pagkamatay ng 3-anyos na si Kathleen Myca Ulpina, anak ng drug suspek na target ng buy-bust operation sa lugar.
Ayon kay CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) Director Police Brig. Gen. Edward Carranza, tanggal muna sa puwesto ang hepe na si Police Col. Resty Damaso, at ang 13 niyang tauhan, at 6 na personnel ng intelligence unit ng Rizal Provincial Police.
Inilagay muna ang mga pulisya sa personnel and holding accounting unit habang gumugulong ang imbestigasyon.
Binawi rin ang kanilang firearms para isailalim ito sa ballistics exam at matukoy kung sino ang bumaril sa bata.
Maaalalang iginiit ng Rizal Provincial Police na pinantakip ng ama ang bata na si Renato Ulpina o alyas Kato ang paslit bago sila mapaslang sa buy-bust operation sa sarili nilang bahay noong Sabado ng umaga. Tinamaan ng bala sa ulo ang bata.
Iginiit noon ng ina ng bata na si alyas “Lisa” na natutulog sila nang mangyari ang insidente at hindi pinangsangga ni Ulpina ang bata.
Pinaiimbestigahan din ni Philippine National Police chief Oscar Albayalde ang insidente para masilip kung may pagkukulang ang pulisya.
- Latest