Paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar, bawal na
MANILA, Philippines — Ipinagbabawal na ng Department of Health (DOH) ang paghithit ng electronic cigarette at vape sa mga pampublikong lugar.
Ito ay base sa Administrative Order 2019-0007 na pinirmahan ni Health Secretary Francisco Duque III noong Hunyo 14 na kabilang na sa public smoking ban ang mga Electronic Nicotine and Non-Nicotine Deli-very System (ENDS).
Ayon kay DOH spokesman Eric Domingo, ang kautusan ay magiging epektibo matapos itong mailathala sa dalawang pahayagan.
Ang paninigarilyo ng vape at e-cigarettes ay pinapayagan lang sa mga designated smoking area sa ilalim ng Section 4 of Executive Order 26.
Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2017, ang EO 26 ay nagbabawal sa paninigarilyo ng sigarilyo at iba pang tobacco pro-duct sa mga pampublikong lugar gaya ng mga paaralan, workplace, pasilidad ng gobyerno, simbahan, ospital, terminal, palengke, parke at mga resort.
Pinapayagan lamang ang paninigarilyo sa mga itinakdang lugar at open spaces na mayroong tamang bentelasyon.
Sinasabi rin sa AO na ang mga establisyimento na nagbebenta pati na sa online at sangkot sa paggawa, distribusyon, importasyon at eksportasyon ng mga produktong END ay kailangan magkaroon ng license to operate mula sa Food and Drug Administration.
Ang retail din ng nicotine shots at concentrates ay ipinagbabawal na rin at mga container din ng mga ito ay kailangan lagyan ng tamang babala sa kalusugan.
- Latest