Trahedya sa NLEX: 8 tigok, 12 sugatan
![Trahedya sa NLEX: 8 tigok, 12 sugatan](https://media.philstar.com/photos/2019/06/29/dead_2019-06-29_22-03-52.jpg)
MANILA, Philippines — Nasawi ang walong katao habang 12 ang sugatan matapos masangkot sa isang aksidente ang isang SUV at pampasaherong bus sa North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng Valenzuela City, kamakalawa ng gabi
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Norberto Ancajas, 48, residente ng Cotabato St, Bago Bantay, Quezon City; John Christopher Ednave, 36, ng Lt. Ireneo Nieto St., Bundukan, Bocaue, Bulacan; Leo Victorino, 38, ng Tabing Bakod, Sta. Maria, Bulacan; Jennifer Fernandez, 32, ng East Kamias, Quezon City; Joan Salcedo Garcia, ng Rodriguez, Rizal; Mary Grace Alvarez, ng Bulacan; Maria Paz Mariano, ng Bulacan at Zeus Lapig, ng Bulacan.
Nakilala naman ang mga sugatan na sina Redhel Lucas, 41; Jully Ann Jose, 32; Sujan Shretha, 44, isang Nepali; Michael Abogadie, 28; Nikkie Agustin, 27; Rjay Mark Mallari, 31; John Patrick Gayon, 10-taong gulang; Justin Gayon, pitong taong gulang; Neil Bryan Antonio; Jaykee Arriesgado; Leonila Hermogenes; at Rafael Giron, pitong taong gulang.
Sa ulat ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:10 ng gabi sa may Km12+800 ng Southbound ng NLEX sa may Brgy Gen. T. De Leon, sa naturang lungsod.
Dahil sa lakas ng ulan kamakalawa ng gabi, bigla umanong bumagal ng takbo ang isang Isuzu Crosswind (ZGG 985) na minamaneho ni Marvin Joseph Giron, dahilan para mabundol ito ng sumusunod na Buenasher Transport bus (AGA 8610) na minamaneho naman ni Victorio delos Reyes, 39.
Tinangka pa umanong iiwas ng tsuper ang bus dahilan para pumaikot ito, humampas sa barrier at tumagilid habang tumilapon naman sa creek ang SUV na nabundol.
Sa lakas ng impact, ilan sa mga sakay ng parehong behikulo ay tumilapon palabas o kaya naman ay naipit ang katawan sa sasakyan dahilan ng kanilang kamatayan at mga pinsala.
Nasa hospital arrest ngayon ang tsuper ng bus na si Delos Reyes na nagtamo rin ng mga pinsala sa katawan habang inihahanda ng pulisya ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya at posibleng sa kumpanya ng bus.
- Latest